Tuesday, July 28, 2009

Paglingon

Ngayon, nakita ko
Katawang nakahimlay
Sa munting balsang nakalutang
Sa banayad na tubig
Walang malalim
Walang mababaw.

Malayang umiihip ang hangin
Mula sa inakalang nakalipas
Na nag-iibayo
Sa pagtangay ng panahon
Matikas ang mga salita
Marikit na alaala.

Walang makaalam
Sa isang dagli ng pagdaloy
Ni ang mga ibong
Marilag maglipana at humuni
Mula sa gawing iyon
Hanggang sa malay na ito.